Base sa talaan ng pulisya, tinatayang aabot sa 29 kaso ng sakuna sa nabanggit na lugar ay pawang sinalubong ni kamatayan, ayon kay P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, chief of police ng nabanggit na lungsod.
Ang dalawa sa pinakahuling mga biktima ay nakilala sa pamamagitan ng kanilang ID na sina Warlito Mission, 22, ng Barangay Market View; at Rizaldo Grajo, 31, ng Barangay Bocohan samantalang patuloy pang inaalam ang pangalan ng ikatlong biktima.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Benjie Jabrica at PO2 Aldrin Andres, naitala ang road mishap dakong alauna y medya ng madaling-araw habang magkakaangkas sa motorsiklo ang mga biktima at tinatahak ang nasabing kalye patungo sa kabayanan mula sa pakikipag-inuman.
May teorya ang pulisya na pawang mga senglot ang mga biktima nang nawalan ng kontrol at tuluy-tuloy na sumalpok sa poste na naging dahilan upang sila ay tumilapon sa kalye.
Pawang basag ang mga bungo at bali ang mga braso ng tatlong biktima nang abutan ng pulisya na nakahandusay sa gitna ng kalye.
Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas makaraang mamatay rin sa naturang lugar ang magtiyuhin na nakasakay din sa motorsiklo nang bumangga sa nabanggit na poste. (Tony Sandoval)