Ang nasabing laboratoryo ay nasa loob ng inuupahang bahay ng mga Tsino, at pinaniniwalaang pag-aari ng isang nagngangalang Cesar Santos na isang fiscal sa Bulacan.
Sa pahayag ni Atty. Lawyer Joey Quiriones, legal officer ng Complaint and Reaction Unit (CRU) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), maaaring makagawa ng pitong toneladang shabu kada linggo dahil sa mga modernong makinarya ang gumagana.
Kabilang sa mga makinaryang nasabat ng mga awtoridad ay ang walong unit ng rotary evaporator, 13 unit ng pump, stirring control, at libu-libong kahon ng ephedrine, na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Naunang nasakote sina Benjie Catibag at Mario dela Rosa na pinaniniwalaang mga katiwala ng sindikato sa pagawaan ng shabu, samantalang ang lima sa labing-apat na miyembro ng sindikato ng droga ay naaresto may ilang linggo na ang nakalipas.
Ayon kay P/Supt. Jesus Gatchalian, OIC Bulacan police director, sinimulang salakayin ang shabu lab noong Miyerkules subalit hindi napasok ang mga operatiba dahil sa walang search warrant na inisyu ng korte.
Noong Huwebes ay nagpalabas na ng search warrant si Judge Felixberto Olalia ng Manila Regional Trial Court Branch 8 na, inaatasan ang pulisya na pasukin ang bahay na inookupa nina Shao Wencam, Cai Xigong, Shao Chuntian, Cai Xuwei, A Qin, Wu Chuanxiang, Huang Qingqu, Shao Chunmou, Li Songwen, Tang Ruihua, Li Xiquan, Ye Judong, Jin Xianwen, Wu Quiqing, Ye Qifu, at Cesar Santos na matatagpuan sa # 343 McArthur Highway sa nabanggit na barangay. (Dino Balabo at Boy Cruz)