Kinilala ni Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, chief of police dito ang mga biktima na sina Dr. Dionisio Tan, 62, may-asawa ng naturang lugar at Joselito Arceo, 26, binata, agent at driver ng Toyota, Dasmariñas, Cavite at residente rin ng naturang lugar.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Benjamin Jabrica at PO2 Aldrin Andres, dakong alas-9:45 ng gabi ay tinuturuan ni Arceo ang biktima sa tamang paggamit ng car stereo nang idineliver nitong bagong Red Avanza SUV.
Maya-maya ay biglang dumating ang apat na lalaking nakasuot ng bonnet sa mga mukha at pawang armado ng kalibre .45 at walang sabi-sabing pinaulanan ng punglo ang dalawang biktima na nasa loob ng sasakyan.
Dahil sa mga tama ng bala sa leeg at tagiliran ay namatay noon din si Arceo samantalang kinaladkad ng mga suspek ang dentista papasok sa loob ng bahay nito at inutusang kunin ang mga nakatago nitong pera.
Nang pumalag ang dentista ay pinaulanan ito ng punglo sa dibdib, braso at daliri na naging sanhi upang ito ay agad na kalawitin ni kamatayan.
Tumakas ang mga suspek na tangay ang cash na P5,000 na pag-aari ng dentista kasunod nito ay inatasan na ni Sindac ang kanyang mga tauhan na tugisin at kilalanin ang mga salarin. (Tony Sandoval)