Kotse kinarnap, trader kinidnap

LUCENA CITY – Nagmistulang dalawang ibon sa isang putok ang ginawa ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki laban sa isang negosyante makaraang karnapin ang ibinebentang kotse ng biktima ay kinidnap pa ito kamakalawa ng hapon sa Barangay Ilayang Iyam, Lucena City, Quezon. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Allan Yu, 30, ng Capitol Homesite, Barangay Cotta ng nabanggit na lungsod. Base sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Aldrin Andres na isinumite kay P/Senior Supt, Reuben Theodore Sindac, police chief sa Lucena City, pumasok ang mga suspek sa establisamento na pag-aari ng biktima upang mag-usisa sa ibinebentang Mitsubishi Lancer (ULA-600). Napag-alamang pinahiram naman ng biktima ang susi ng kotse para magsagawa ng test drive. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay sapilitan isinama ang biktima maging ang pag-aaring kotse ay tinangay. (Tony Sandoval)
18 MILF rebs sumuko
CAMP AGUINALDO – Labingwalong rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na pinaniniwalaang napagod na sa pakikipaglaban sa pamahalaan ang sumuko na sa Army’s 6th Infantry Battalion na nakabase sa Sitio Balogo, Barangay Pandan, Shariff Kabunsuan, Maguindanao, ayon sa ulat kahapon. Nanguna sa mga rebelde na sumuko si Camaon Umbo Mangoda, kumander ng 104th Bangsa Command ng MILF. Ayon kay Major Ernesto Torres Jr. tagapagsalita ng Phil. Army, isinuko rin ng mga rebelde ang kanilang malalakas na kalibre ng baril kay Lt. Col. Herminigildo Aquino at kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation. (Joy Cantos)
Sundalo tinodas ng kabaro
CAMP AGUINALDO –Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang kawal ng Philippine Army ng kanyang kabarong sundalo makaraang sitahin ng una ang huli dahil sa senglot habang papasok ng kampo sa Bansalan, Davao del Sur, ayon sa ulat kahapon. Limang bala ng M16 rifle ang tumapos sa biktimang si Corporal Romeo de la Rosa ng Army’s 38th Infantry Battalion na nakabase sa Barangay Daraguay ng nabanggit na bayan. Tugis naman ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si Pfc. Nagdul Sahibul. Sa report, naganap ang insidente sa guard post ng Special Operations Team 3 Command Post ng nasabing batalyon na binabantayan ng biktima. Nabatid na sinita ng biktima ang suspek na bawal pumasok sa loob ng kampo dahil nasa impluwensya ito ng alak. Nagalit ang suspek sa biktima kaya humantong sa patayan. (Joy Cantos)

Show comments