Batay sa report ng pulisya, dakong alas-4 ng hapon nitong Sabado ng isang armadong lalaki na nakasuot ng camouflage uniform ang pumasok sa bilangguan at paulanan ng bala ng M-6 armalite rifle ang nasabing bilangguan.
Matapos ang paninindak ay agad tinungo ng suspek ang selda at pinawalan ang bilanggong si Badrudin Dalungan kung saan ay walang nagawa ang na-sorpresang mga jailguard.
Si Dalungan ay nakulong sa kasong pambobomba sa Awang Airport sa Cotabato City noong 2002 na kumitil at ikinasugat ng maraming inosenteng biktima.
Sa kasalukuyan, masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pagpapasabog sa Mabini St. sa Cotabato City noong Sabado ng hapon sa naganap na pagtakas ng bomber.
Ang sumabog na bomba ay isang improvised explosive device na gawa sa 60 MM mortar na may nakakabit pang cellphone na siyang magpapasambulat sa bomba. Ang nasabing istilo ayon sa mga awtoridad ay tatak ng JI terrorist.
Wala namang naiulat na nasugatan sa naganap na pambobomba kung saan ay hinihinalang sinadya ito upang ilihis ang atensyon ng mga awtoridad sa nasabing piitan kung saan nakakulong ang naturang hinihinalang bomber.
Isang hot pursuit operations ang inilunsad ng mga awtoridad laban sa pugante at sa tumulong dito. (Joy Cantos)