Pulis-Rizal kasabwat ng tulak

BINANGONAN, RizalPosibleng masibak sa tungkulin at masampahan ng kasong kriminal ang isang bagitong pulis makaraang hindi nito sampahan ng kaukulang kaso ang nasakoteng drug pusher kaya pinakawalan sa selda.

Ayon kay P/Supt. Rodino Elfa, hepe ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) Investigation Unit, ang pulis na kinasuhan at ngayon ay pinaghahanap na ng kanyang mga kabaro ay kinilalang si PO1 Arnel Tarasona, 34, nakatalaga sa RPPO Special Operations Group (SOG) at residente ng Brgy. San Roque, Antipolo City.

Sa ulat, nadakip ni PO1 Tarasona ang suspect na nakilalang si Ramolito Cenina, 42, noong huling linggo ng Nobyembre sa Barangay Tayuman ng nasabing bayan.

Matapos na masakote ni PO1 Tarasona ang suspek ay hindi na ito nagpakita pa sa kanilang tanggapan at hindi na rin ito makontak sa kanyang celfone at wala na rin sa kanilang bahay.

Dahil dito, napilitang pakawalan sa presinto si Cenina dahil lumagpas na sa reglamentary period matapos hindi makapagsumite ng affidavit of arrest si Tarasona. (Edwin Balasa)

Show comments