Sa phone interview, kinilala ni P/Supt. David Martinez, police chief sa Lungsod ng Puerto Princesa, ang mag-inang sina Editha Walde, 54; at anak nitong si Myla Karla Walde, 22.
Si Editha ay napuruhan sa ulo ng bala ng baril at kaagad na nasawi habang si Karla naman na naghihingalong isinugod sa ospital ay hindi na umabot pa ng buhay dahil sa maraming tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, kaagad naman nasakote ang suspek na si Manuel Blanco na pinaniniwalaang lover ng biyudang si Editha.
Kasalukuyan namang nasa kritikal na kalagayan ang sibilyang tinukoy lamang sa pangalang Cezar na binaril din ng suspek.
Ayon kay Martinez, naganap ang krimen sa tahanan ng mag-ina matapos na dumating si Blanco na nasa impluwensya ng alak kung saan ay agad nitong sinalubong ang papasok na mga biktima saka pinagbabaril.
Matapos pabulagtain ang mag-ina ay mabilis na tumakas si Blanco, subalit nakasalubong naman ang biktimang si Cezar na napagbalingan pagbabarilin hanggang sa duguang bumulagta.
May teorya si Martinez na personal na alitan ang isa sa motibo ng suspek at sinisilip din ang anggulong may matinding selos ang namagitan kaya naganap ang krimen.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa nakakulong na suspek. (Joy Cantos)