Inatasan na ni Dela Cruz, ang provincial legal office na ihanda ang kaso laban sa drayber ng truck na si Lope Reyes, 28, ng Camarin, Caloocan City, at Evelyn Sto. Tomas ng Pleasant Hills Subdivision, San Jose Del Monte City, Bulacan.
Kasama sa kakasuhan ay ang CFS Corporation sa Valenzuela City na ayon sa mga alegasyon ay siyang kumontak sa tanker para itapon ang toxic waste.
Inatasan na rin ni Dela Cruz ang mga health at environment official sa Bulacan na makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang madetermina ang halaga ng naapektuhan ng kemikal sa kalikasan, kalusugan, ari-arian at mga residente.
Kaugnay nito, sinabi naman ng pamunuan ng Environmental Management Bureau (EMB) na hindi na dapat ipangamba ng mga residente na kakalat pa ang kemikal sa ilog dahil sa ulan na hatid ng paparating na bagyong "Reming."
Ayon kay Lormelyn Claudio, director ng EMB sa Gitnang Luzon, kakaunti na lamang ang natitirang kemikal sa ilog ng Marilao dahil sa umabot na sa 6,000 litro ng oil based hazardous substance na itinapon ang kanilang naiahon simula noong Martes. (Dino Balabo)