Mayor patay sa ambush

Tinambangan at napatay ang mayor ng isa sa bayan ng Saranggani ng mga armadong kalalakihan habang papalabas sa gusali ng electric cooperative ang biktima, kahapon sa bayan ng Maitum, Saranggani.

Sa ulat na nakarating kahapon kay Chief PNP Director General Oscar Calderon, napuruhan sa leeg si Maitum Mayor George Yabes at idineklarang patay sa pinakamalapit na ospital.

Ayon sa ulat, bandang alas-2 ng hapon nang papalabas na ng Sacatero Building si Mayor Yabes, kasama ang kanyang mga alalay nang ratratin ng isa sa tatlong suspek na lulan ng motorsiklo.

Si Yabes ay nasa ikatlong termino na bilang alkalde ng Maitum, kaya hindi inakala ng mga pamilya nito na may kaugnayan sa politika ang ugat ng pagpaslang dito.

Gayon pa man, sinisilip pa rin ng mga tagasiyasat ng pulisya kung may koneksyon ang mga death threat na naunang natanggap ni Mayor Yabes noong Enero 2006.

Malawakang dragnet operation ang isinagawa ng mga awtoridad laban sa mga killer ni Mayor Yabes. (Arnell Ozaeta)

Show comments