Sa phone interview, kinumpirma ni P/Chief Supt. Antonio Nañas, Police regional office director, ang pagsibak kay P/Supt. Wilfredo Reyes na pinalitan naman ni P/Chief Inspector Ruben delos Santos. Si Reyes ay itatalaga naman sa CARAGA Headquarters Service Group.
Kasalukuyan namang restricted sa kampo ang mga tauhan ni Reyes habang iniimbestigahan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasabing insidente.
"We will wait for the result of the investigation before we could implement any sanction against the raiding team," dagdag pa ni Nañas.
Noong Miyerkules (Nob. 1) ay sinalakay ng mga operatiba ng CARAGA Intel and Investigation Division na pinamumunuan ni Reyes ang kumbento ng Contemplatives of the Good Shepherd (CGS) sa Barangay Ampayon, Butuan City, matapos na makatanggap ng impormasyon na nagtatago sa nasabing kumbento si Jorge Madlos, spokeperson ng National Democratic Front-New Peoples Army (NDF-NPA) na nakabase sa CARAGA.
Base sa reklamo ni Sister Gerlandine Ortuoste, acting coordinator ng nasabing kumbento, winasak ng raiding team at puwersahang binuksan ang gate ng mga mongha. Gayunman, nang makapasok ay saka lamang napagtanto ng mga pulis na nagkamali sila ng sinalakay.
Inirereklamo ng mga madre na walang maipakitang search warrant ang mga pulis nang salakayin ang kanilang kumbento.
Ang mapangahas na raid ay ikinaalarma ng Simbahang Katoliko kung saan kabilang si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa bumatikos sa pulisya.
"Church workers are harassed, churchmen are killed. A bishop was murdered. Now, nothing else than a convent of the Contemplative Sisters of the Good Shepherd was raided. No search warrant. No suspect found. Sorry. Is that it?," ani Cruz.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos, miyembro ng Melo Commission na hihilingin niya sa komisyon na imbestigahan ang raid. (Joy Cantos)