Kinilala ni P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng pulisya rito, ang nasawing biktima na si Reynaldo Salvatierra, 30-anyos ng Brgy. Zulueta, rito, na idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan. Ginagamot naman ngayon sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Hospital, ang mga nasugatang sina Roxanne Madrid y Ponce, 17, ng Brgy. Bantug Norte, ang drayber ng nabanggang Yamaha tricycle (RL-9761), na nakilalang si Darwin Abare ng Brgy. Obrero at si Gregorio Vistada, 42, ng Brgy. Buliran, pawang mga sakop ng siyudad na ito.
Ang itinuturong responsable umano sa aksidente na si Ronald Gabat, ng Brgy. Zulueta rito ay agad na tumakas at iniwan pagkatapos ng aksidente ang kanyang minamanehong tricycle (QD-7494) sa crime scene.
Ayon sa pulisya, dakong alas-4:20 ng madaling-araw kamakalawa, galing umano ng lamay ng patay sina Gabat at pasaherong sina Salvatierra at Madrid sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng nasabing highway patungo sa north direction. Mabilis umano ang patakbo ni Gabat sa kanyang motorsiklo nang bigla itong mag-overtake sa isang sasakyan at ginamit ang shoulder lane. Sa puntong iyon ay tinatahak din ni Abare ang highway, patungo sa south direction at paliko sa Sangitan Public Market nang bigla itong mabunggo ng tricycle ni Gabat hanggang sa sumalpok sa pampasaherong jeep (CXC-496) ni Vistada na nakaparada malapit sa waiting shed. (Christian Ryan Sta. Ana)