Konsehal kinasuhan sa pamamaril ng bata

MALOLOS CITY, Bulacan – Kinasuhan sa piskalya kahapon ng murder at illegal possession of firearms ang kagawad ng barangay na bumaril at nakapatay sa isang batang umakyat sa powerline ng National Power Corporation (Napocor) sa Lungsod ng San Jose del Monte (SJDM) noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang suspek na kinasuhan na si Kagawad Francisco Genaro, 55, ng Barangay Gaya-gaya ng nabanggit na lungsod matapos niyang mapatay si Patrick Vincent Baña ng Block 23, Lot 12, Phase 8, Package 4 ng Barangay Bagong Silang, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, umakyat sa tower ng high tension wire ng Napocor ang biktima bandang alas-2 ng hapon noong Sabado. 

Hinihimok ng pamilya at mga pulis ang biktima na bumaba mula sa tower ang biktima nang dumating ang suspek na noo’y senglot.

Binantaan ng kagawad na babarilin ang biktima kung hindi bababa at ilang minuto ang nakalipas ay umalingawngaw ang isang putok at nalaglag ang bata mula sa tower.

Naaresto naman ng pulisya ang kagawad at nakumpiska ang kalibre 22 Winchester Rifle na ginamit sa pamamaril.

Sa kasalukuyan ay naghihimas ng malamig na rehas sa panglalawigang piitan ang suspek, samantalang ang kanyang baril ay isinailalim sa ballistic test ng PNP Crime Laboratory sa Bulacan. (Dino Balabo)

Show comments