3 sekyu pinabulagta

CAVITE — Magkakasunod na kinarit ni kamatayan ang tatlong sikyu matapos na ratratin ng dalawang maskaradong lalaki na sakay ng motorsiklo sa naganap na karahasan sa Barangay Sabang, Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa napatay na security guard ay sina Ernesto Lumagui, 36, ng Sitio Hinyero, Barangay San Francisco, General Trias, Cavite; Isidro Moran, 50 at kakambal nitong si Narciso Moran, 50, kapwa naninirahan sa Barangay Sabang ng bayang nabanggit.

Wala naman nakakilala sa dalawang killer matapos maglaho sa madilim na bahagi ng nabanggit na barangay sakay ng motorsiklo.

Sa isinumiteng ulat kay P/Supt. Mario Reyes, hepe ng pulisya sa bayan ng Dasmariñas, ganap na alas-3 ng madaling-araw habang magkakasamang nagbabantay ang mga biktima sa gate ng Greensborough Subdivision nang huminto ang motorsiklong may lulang dalawang lalaki.

Napag-alamang nakaupo ang mga biktima sa harap ng gate nang ratratin hanggang sa mapatay. Narekober sa crime scene ang 11-basyo ng baril habang sinisilip ng pulisya ang anggulong may nakaalitan ang mga biktima sa nabanggit na barangay.

Show comments