Katulong sinaksak ng senglot, dedo

CAVITE – Sa halip na bayaran ang utang saksak ang ibinayad ng isang mangingisda na ikinamatay ng isang katulong na babae na pinagkakautangan nito kamakalawa ng umaga sa Bacoor, Cavite.

Kinilala ni P/Chief Inspector Alex Borja, hepe ng pulisya sa bayang ito ang biktima na nagtamo ng isang malalim na saksak sa tiyan na agad nitong ikinamatay ay si Marivic Capada, 41, nakatira sa Tabing Dagat 2, Talaba 2, Bacoor Cavite,

Agad namang nadakip ang suspek na si Honorato Sarte, 54, nakatira din sa nasabing lugar siya ay nakapiit ngayon sa Bacoor Municipal Jail at nahaharap sa kasong murder.

Batay sa imbestigasyon ni PO2 Dominador Logon, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng umaga nang makita ng biktima ang lasing na suspek at singilin sa utang na P500,000.

Palibhasay lasing kaya naburyo ang suspek at walang sabi-sabing nilapitan nito ang biktima sabay binunot ang patalim sa beywang at inundayan ng saksak sa tiyan ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Bagamat sugatan isinugod ng mga kamag-anakan sa Hospital ng Maynila ang biktima ngunit doon na ito binawian ng buhay.

Kasalukuyang pinaghahanap ng awtoridad ang mga suspek. (Lolit Yamsuan)

Show comments