CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Duguang bumulagta at nasawi ang isang 21-anyos na mangingisda, habang dalawa nitong kasama ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang M203 grenade na kanilang napulot sa baybay dagat ng Purok 3 Centro poblacion, Rapu-Rapu, Albay kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang namatay na biktimang si Charlie Base, samantalang ginagamot sa Rapu-Rapu District Hospital sina Jimmy Danega, 26 at Christian Canada, 17, binata, pawang residente ng nabanggit na barangay. May teorya ang pulisya na nahulog sa sementadong sahig ang granadang itinago sa ibabaw ng tukador kaya naganap ang insidente.
(Ed Casulla) Mister dinedo sa harap ng ka-live-in |
CAMP CRAME Pinaniniwalaang personal na alitan ang naging motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 35-anyos na mister ng dalawang hindi kilalang lalaki sa harapan mismo ng kanyang live-in partner sa Barangay Tulay, Manglanilla, Cebu kamakalawa. Napuruhan sa ulo ang biktima na si Nilo Jimenez, samantalang agad na tumakas ng mga armadong lalaki matapos isagawa ang krimen dakong alas-8 ng umaga habang nakatulala naman si Mary Grace Maghinay na live-in partner ng biktima.
(Joy Cantos) CAMP OLIVAS, Pampanga Isa na namang barangay captain ang iniulat na pinaslang makaraang pagbabarilin ng mga aramdong kalalakihan sa naganap na pananambang sa Barangay San Isidro, Sta. Rita, Pampanga kamakalawa. Halos magkabutas-butas ang katawan ng biktimang si Abelardo Cura Mariano ng nabanggit na barangay. Sa ulat ng pulisya, nagmamaneho ng pampasaherong jeepney na may plakang CVL-795 ang biktima nang harangin at paputukan ng mga armadong kalalakihan. Sinisilip ng pulisya ang ilang motibong bumabalot sa naganap na krimen.
(Resty Salvador) 2 suporter ng NPA kinidnap |
MALOLOS CITY, Bulacan Kinondena ng mga militanteng grupo sa Bulacan ang napaulat na pagdukot sa dalawang supporter ng New Peoples Army (NPA) kahapon ng madaling-araw, subalit ayon sa pulisya, inimbita lamang ang mga biktima ng militar. Kinilala ang mga biktima na sina Jerry Martinez, 53 at Cesar Salamat, 70, kapwa residente ng Sitio Mindanao, Barangay Sto. Rosario, Malolos City. Ayon kay Fabian Hallig ng Bagong Alyansang Makabayan-Gitnang Luzon bandang alas-5 ng umaga nang tangayin sa kanilang bahay ang mga biktima ng mga armadong kalalakihan. Pinauwi rin ang mga biktima bandang alas-8 ng umaga kahapon.
(Dino Balabo)