May patong sa ulo na P500,000: Most wanted ‘Waray-Waray’ kidnapper, timbog

Nahulog na sa kamay ng batas ang isang itinuturing na most wanted kidnapper na kasapi ng kilabot na Waray-Waray kidnap-for-ransom gang (KFRG) matapos na matunton ng mga operatiba ng pulisya ang hide-out nito sa isang liblib na lugar sa Brgy. Cahandugan, Jaro, Leyte kamakalawa.

Kinilala ang nasakoteng suspek na si Romeo Raga alyas Ikong, nasa hustong gulang at may patong sa ulong P500,000.

Si Raga ay kabilang sa talaan ng mga most wanted kidnapper na tinutugis ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER).

Ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Executive Judge Norberto Quisumbing Jr. ng Regional Trial Court (RTC) ng 4th Judicial Region, Branch 21 sa Imus, Cavite.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Calderon, ang suspek ay nasakote matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagtatago ito sa nasabing lugar.

Agad na sinalakay ng pulisya ang kuta ni Raga na nasorpresa at hindi na nagawa pang makapanlaban.

Nasamsam sa pag-iingat nito ang isang .9mm beretta pistol, 13 rounds ng bala ng .9mm, isang cal. 38 revolver Smith and Wesson at tatlong homemade shotgun.

Show comments