13 mag-aaral nadale ng kontaminadong tubig

BULACAN – Umaabot sa labintatlong estudyanteng hayskul ang iniulat na nalason makaraang uminom ng kontaminadong tubig sa loob ng eskuwelahan sa Barangay Sta. Isabel, Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga biktimang naisugod sa Bulacan Provincial Hospital ay sina Charmaine Ansaldo, 12; Jaime Teodoro Jr., 13; Josephine Navor, 14; Mark Francis Avellanosa, 14; Jessica Maris Mamadez, 13; Rose Anne Rodriguez, 13; Wilmer dela Cruz, 13; Nerissa Papa, 13; Joy Alcoriza, 14; Janice Rubia, 15; Christine Joy Santos, 13; Kristel Faustino, 12; at Jerico Santiago, 12.

Ayon kay Dr. Jane Ontoy, isa sa mga attending physicians, ang mga estudyanteng mula sa Marcelo H. Del Pilar National High School ay dumanas ng acute gastroenteritis at secondary amoebiasis.

"Uminom ako ng tubig sa karinderya sa loob ng aming eskuwelahan at pagkatapos ay nanakit na ang aking tiyan, nagsusuka at nahilo," pahayag ng isa sa mga biktima.

Naniniwala naman ang mga biktima na ang cubed ice na inihalo ay sanhi para makontamina ang tubig.

Sa pahayag ng principal ng nabanggit na hayskul na si Rosalina Santos, na ginagawa na nila ang lahat para matulungan ang mga estudyante at pinabulaanan ang kumalat na balita na may ilang estudyante na ang namatay dahil sa kontaminadong tubig.

Nagkasundo na ang pamunuan ng nabanggit na eskuwelahan, City Health Office at mga may-ari ng food stalls na patigilin ang supplier ng kontaminadong yelo na nakalason sa mga estudyante.

Ipinag-utos naman ni Mayor Danny Domingo sa mga kinaukulang ahensya na ipatupad ang health at safety measures sa ibang eskuwelahan sa nabanggit na lungsod para hindi na maulit pa ang insidente.

Show comments