Mag-asawang trader hinoldap

CAVITE – Nagmistulang inutil ang kapulisan na masugpo ang sunud-sunod na krimen sa iba’t ibang bahagi ng Cavite makaraang holdapin ang mag-asawang trader na sakay ng van at bumabagtas sa kahabaan ng Barangay Mataas na Lupa sa bayan ng Indang, Cavite kamakalawa ng hapon.

Hindi na nakapalag sa mga holdaper ang mag-asawang Rostico Caldejon, 53; Rubina Caldejon, 51 at ang kaibigang Avelyn Rosario, 56, na pawang residente ng #185 Barangay Tanzang Luma Imus, Cavite.

Wala namang nakakilala sa mga holdaper na lulan ng kulay puting van na may plakang UUT-250.

Sa ulat na isinumite kay P/Senior Insp. Mamerto Malubay, hepe ng pulisya sa bayan ng Tanza, hinoldap ang mga biktima matapos na makapag-withdraw ng P1,400,000 mula sa Banko Mabuhay sa Barangay Poblacion, Indang, Cavite.

Napag-alamang sakay ng Starex van na may plakang WEB-253 na minamaneho ni Rostico, ang mga biktima nang harangin ng puting van na lulan ang mga hindi kilalang lalaki.

Nabatid na sumakay sa van ng mag-asawang trader ang ilan sa mga holdaper at nagdeklara ng holdap kung saan hindi na nakapalag pa ang mga biktima kundi ang ibigay ang malaking halaga at iba’t ibang gamit na personal.

Matapos na makuha ang mga ninakaw ay kaagad na ibinaba ang mga biktima sa bahagi ng Barangay Inocencio sa bayan ng Trece Marteres City, Cavite. (Lolit Yamsuan)

Show comments