Mag-ama pinugutan

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ama sa kamay ng kanilang kaaway sa lupang sinasaka makaraang matagpuang walang ulo ang bangkay ng dalawa sa tabi ng ilog na sakop ng Sitio Banao, Barangay Nagotgot sa bayan ng Manito, Albay kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang si Pedro Leron, 55, at Ronald Leron, 25, kapwa may asawa at residente ng nabanggit na barangay.

Sa ulat ng pulisya, huling namataang buhay ang mga biktima na magkasamang naglalakad sa kanilang sinasakang lupain bago matagpuan ang mga katawan na walang ulo dakong alas-9 ng umaga, kahapon.

May posibilidad na may matinding galit ang mga killer dahil pinahirapan muna ang mag-ama bago paslangin at pugutan ng ulo.

Pansamantalang hindi muna pinalabas ng pulisya ang mga pangalan ng suspek habang masusing sinisiyasat ang pamamaslang.

Ayon pa sa pulisya na malaki ang posibilidad na may kaugnayan ang brutal na krimen sa lupang sinasaka ng mag-ama na inaangkin ng nakaalitan. (Ed Casulla)

Show comments