Ex-vice mayor nilikida
August 22, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Hindi na sinikatan ng araw ang dating vice mayor sa bayan ng El Nido, habang nasa kritikal naman ang kanyang misis makaraang pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki na pumasok sa bahay ng mag-asawa sa El Nido, Palawan kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Edwin Vidal, samantalang ginagamot naman sa ospital ang asawang si Juliet. Ayon sa pulisya, ganap na alas-3 ng madaling-araw nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang tahanan ng mag-asawa matapos na wasakin ang bintana. Sinisilip ng pulisya kung may kaugnayan sa isyung politika ang naganap na krimen. (Joy Cantos)
CAMP CRAME Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang negosyante makaraang manlaban sa tatlong holdaper sa Spolarium Street, Barangay Duljo-Fatima, Cebu City kamakalawa. Napuruhan sa kaliwang bahagi ng katawan si Arnold Lee ng Talisay City, Cebu. Nabatid na ang biktima ay lulan ng Toyota Corolla (GDD-170) nang harangin ng mga holdaper. Nagmatigas ang biktima nang hindi ibigay ang kanyang wallet kaya nairita ang mga holdaper at pinaputukan ito hanggang sa duguang bumulagta. Mabilis na nagsitakas ang mga suspek na tangay ang wallet ng biktima, subalit iniwan ang mobile phone ng nasabing negosyante. (Joy Cantos)
LABO, Camarines Norte Aabot sa P.3 milyong ari-arian ang natangay sa negosyo ng isang hukom makaraang holdapin ng tatlong maskaradong kalalakihan ang hardware ng biktima sa Tenorio Street, Barangay Pinya, Labo, Camarines Norte kamakalawa. Bandang alas-11:30 ng umaga nang pasukin ng mga holdaper ang Diamond Hardware na pag-aari ni Judge Wilfredo Herico. Napag-alamang nagbabantay sa nabanggit na hardware ang misis ni Judge Herico nang magdeklara ng holdap. Agad namang tumakas ang mga holdaper na sakay ng motorsiklo matapos ang insidente. Narekober naman ng mga tauhan ni SPO4 Pablito Nero, ang inabandonang motorsiklo sa bahagi ng Purok 3, Barangay Masalong sa bayang nabanggit. (Francis Elevado)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest