Kinilala ni Sr. Supt. Audie Arroyo, police provincial director ng Occidental Mindoro ang mga namatay na sina Rodel Insigne, 44, driver ng van at residente ng Barangay Mulawin, Sta. Cruz; Laura Gabales, 50, ng Mamburao at Lolita Orieta, 55, ng Sablayan na pawang sa naturang lalawigan.
Dead-on-the-spot si Insigne samantalang namatay habang ginagamot sa Mamburao Provincial Hospital sina Gabales at Orieta sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa kanilang mga katawan.
Ayon sa report, magkasunod na bumabagtas ang passenger van (TTG-328) at ang CBG-La Familia Bus Lines (DVE-875) sa highway sakop ng Barangay 9 nang maganap ang insidente bandang alas-12:30 ng madaling-araw.
Kapwa patungo sa Mamburao galing sa Sablayan town ang dalawang behikulo nang may iniwasang sanga ng puno na nakakalat sa daan ang driver ng van kaya nabangga ng bus na nakasunod dito.
Sa lakas ng impak, tumilapon pa ng ilang metro ang van at sumalpok sa isang punongkahoy na ikinamatay ng mga nabanggit at ikinasugat nina Erwin Avelito, Precilla Tardeo, Soliman Aldabe, Anna Fe Faller, Rodelo Hernandez, Lloyd Anthony Requinda, Melicio Galver, Mary Grace Pascua, Myrene Magpantay at ang dalawang foreign Christian missionaries na sina Hanna Wermington at Emma Abraham.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang bus driver na si Ramil Damasco na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injuries at damage to property. (Arnell Ozaeta)