Sa report na tinanggap kahapon ni PNP Director General for Administration at Task Force USIG Chief Deputy Director General Avelino Razon Jr., dead-on-the-spot ang biktima na si Orlando Rivera, 40 anyos, isa sa mga lider ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) 13 bunga ng tatlong tama ng bala ng cal .45 pistol sa ulo at dibdib.
Bandang ala-1 ng madaling-araw nang puwersahang pasukin ng mga salarin ang tahanan ng biktima na matatagpuan sa Brgy. Binuangan ng nasabing bayan.
Kasunod nito ay pinagbabaril ng mga ito ang biktima gamit ang cal. 45 pistol na siya nitong dagliang ikinamatay kung saan habang tumatakas ay minarkahan rin ng letrang X ang tahanan ni Sonny de Armas, chairman ng Pamalakaya sa Obando bilang pahiwatig nang pagbabanta rin sa buhay nito.
Ayon kay Gerry Corpuz, spokesman ng Pamalakaya, ang biktima ay kilala sa kanyang krusada sa pursigidong pagsusulong na tanggalin ang dumpsite ng basura galing Navotas area sa isang lugar sa Obando dahil nakakaapekto sa kalusugan ng mga residente.
Kaagad namang inakusahan ng grupo ni Corpuz ang mga elemento ng 56th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army na pinamumunuan ni Col. Noel Clement ang nasa likod ng insidente dahil sa kanang kamay umano ito ni 7th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Jovito Palparan. Gayunman, itinanggi ni Clement ang akusasyon.
Sa tala ng Amnesty International, umaabot na sa 51 ang napapaslang na lider militante sa loob ng anim na buwan ng 2006 kumpara sa naitalang 66 biktima noong 2005.
Si Rivera ay ika-721 pinaslang simula nang manungkulan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2001 pero sinabi ni Razon na mahigit lamang sa 100 insidente ang lehitimong kaso sa talaan ng Task Force USIG.
Samantala, matapos ang anim na oras makaraan ang pagpatay kay Rivera, pinagbabaril din si Danilo De Leon Cruz, hepe ng Barangay Tanod sa Brgy. Sucol, Calumpit, nasabi ring lalawigan ng dalawang lalaki sakay ng isang motorsiklo sanhi ng agarang kamatayan nito.
Si de Leon ay ikalawa nang biktima ng pagpatay sa Calumpit sa loob lamang ng isang buwan. (Joy Cantos At Dino Balabo)