Sa ulat ng OCD Deputy Administrator Dr. Anthony Golez, umpisa alas-6:30 ng umaga nitong Lunes ay patuloy ang pagbubuga ng lava sa Mabini Channel ng bulkan may 100 metro mula sa ituktok.
Ayon kay Golez, nakapagtala rin ang monitoring team ng Philvocs ng kabuuang 388 tremor episodes na nakaapekto sa katimugang slope ng bulkan.
Dahil dito ay binalaan ng mga opisyal ang mga residente partikular sa idineklarang 6-8 kilometer danger zone na mag-ingat matapos na mamonitor na nasa eruption stage o sasabog na ang bulkan dahil mataas na ang sulfur dioxide na ibinubuga nito.
"This is the eruption stage. but whether it will lead to an explosive eruption, that is what we are monitoring now," pahayag ni Ed Laguerta, resident volcanologist.
Sinabi naman ni Director Renato Solidum Jr. na ililikas nila ang mga residente hanggang sa 8 kilometro radius dange zone sakaling mag-umpisa na ang pagputok ng bulkan.
"At the southeast sector of the volcano, once we raise the alert level to 4, we will forcibly evacuate areas eight kilometers from the volcano," ani Solidum.
Nabatid pa kay Solidum na ang 12 hanggang 14 milyong cubic meter ng lava na ibinubuga ng Mayon Volcano ay hindi gaanong mataas kumpara sa naitala ng Philvocs na 20 milyong cubic meters na sumabog ito noong 1978. (Joy Cantos)