Naapektuhan din ng nasabing bagyo ang ilang barangay sa bayan ng Orani, samantalang anim na barangay sa bayan ng Hermosa na umabot hanggang baywang ang tubig-baha at 24 na barangay naman sa bayan ng Dinalupihan.
Apektado rin ang may 1,407 magsasaka sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Abucay, Pilar at Mariveles kung saan aabot sa P1.3 milyon pananim ang nasira, samantalang naapektuhan din ang 18.3 ektaryang palaisdaan sa mga bayan ng Abucay at Dinalupihan na aabot sa P1.4 milyon ang nawasak.
Sa miting kahapon ng Provincial Disaster Coordinating Council na pinamunuan ni Bataan Governor Enrique "Tet" Garcia, napag-alamang nawasak ang dike sa mga Barangay Pentor, Daang Bago at Sta. Isabel sa bayan ng Dinalupihan dahil sa lakas ng agos ng tubig mula sa Caulaman River, Gumaca at Florida Blanca kung kaya agad na lumubog ang 24 na barangay.
Kasalukuyan namang nagbigay ng tulong ang provincial government ng 500 sakong bigas sa Dinalupihan, 300 sakong bigas sa Hermosa at maging ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan ay nagbigay ng mga relief goods.
Idineklara naman kahapon ng lokal na pamahalaan ng Dinalupihan na isailalim sa state of calamity ang 24 na barangay na lumubog sa tubig-baha.
Patuloy pa rin ang isinasagawang sand bagging ng mga volunteers sa nasirang dike sa Barangay Daan Bago at Sta. Isabel upang makontrol kahit kaunti ang pagtaas ng tubig-baha. (Jonie Capalaran)