Nakilala lamang ang biktima sa pangalang Manang Rosita, tubong Cebu at katulong sa bahay ng suspek sa Block 15 Lot 28 Almond Street, Phase 2, Central Camella, Springville ng nabanggit na barangay.
Posibleng dalhin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at hindi maaaring kasuhan ang suspek na itinago sa pangalang Michael dahil sa pagiging menor-de-edad.
Ayon kay SPO1 Dante Chan Ordoño, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-9:30 ng gabi sa harapan ng pintuan ng bahay ng pamilya ng suspek na tadtad ng saksak sa mga kamay at ulo.
Sa impormasyong nakalap ng pulisya, inutusan ng suspek ang biktima, subalit hindi naman nito naintindihan kaya nagalit ang estudyante.
Agad naman kinompronta ng binatilyo ang kanilang katulong at nauwi sa sigawan hanggang sa paluin ng biktima ang suspek.
Posibleng nagalit ang suspek sa kanilang yaya kaya kumuha ng patalim at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang biktima hanggang sa duguang bumulagta.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa brutal na pamamaslang laban sa biktima.