Inakalang tiktik ng militar nilikida
July 9, 2006 | 12:00am
DARAGA, Albay Hindi na nakapalag sa karit ni kamatayan ang isang 44-anyos na barangay tanod makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan habang nagbubukas ng kanilang maliit na tindahan sa Barangay Inarado, Daraga, Albay kamakalawa ng umaga. Dalawang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni Jolie Jacob matapos na lapitan ng mga hindi kilalang lalaki na pinaniniwalaang rebeldeng New Peoples Army. Sa ulat ni P/Supt. Jose Capinpin, police chief sa nabanggit na bayan. Bago naganap ang pamamaslang ay pinulong ng militar ang biktima kasama ang ilang barangay tanod. Posibleng may nakakitang rebelde sa ginawang pakikipag-ugnayan ng mga barangay tanod sa militar na inakalang nagbibigay ng impormasyon sa kilos ng maka-Kaliwang Kilusan kaya pinatahimik ang biktima. (Ed Casulla)
CAVITE Mukhang nagising ang mga tutulug-tulog na mga tauhan ng pulisya sa bayan ng Bacoor makaraang masakote ang isa sa dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper at itinuturing na salot ng Cavite sa isinagawang operasyon sa Barangay Zapote ng bayang nabanggit. Posibleng nakapagpiyansa mula sa paghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Allan Jimenez, 28, ng Barangay Zapote 1, Bacoor, Cavite; samantalang tugis naman ang isa pang suspek na si Alvin Yap ng Barangay Pulo., Cavite City, Cavite. Ayon kay PO1 Joel Malinao, ang suspek ay nasakote matapos magreklamo ang ilang biktimang hinoldap ng dalawang suspek habang lulan ng pampasaherong sasakyan sa bahagi ng nabanggit na bayan. (Cristina Timbang)
LINGAYEN, Pangasinan May posibilidad na lupaing sinasaka ang isa sa ugat kaya binaril at napatay ang isang 41-anyos na magsasaka ng nakababata nitong utol na lalaki sa Barangay Yatyat, Laoac, Pangasinan noong Miyerkules ng gabi. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Patricio Padilla, samantalang sugatan naman ang suspek na si Loreto Padilla, 36, matapos na pumalag at nakipagbarilan sa mga rumespondeng pulis. Ayon sa ulat, bago maganap ang insidente ay nakatanggap ng pagbabanta sa text messages ang biktima at babaeng kapatid nito mula sa suspek. Nang magkita ang mag-utol ay agad na pinutukan ng baril ng suspek ang biktima hanggang sa duguang bumulagta. Napilitan naman barilin ni PO2 Moises Agcaoile, ang suspek matapos na makipagbarilan. Kasalukuyang ginagamot sa Sacred Heart Hospital sa Urdaneta City ang suspek.(Cesar Ramirez)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
By Doris Franche-Borja | 13 hours ago
By Victor Martin | 13 hours ago
By Omar Padilla | 13 hours ago
Recommended