5 kidnaper ng mag-utol nasakote

CAMP OLIVAS, Pampanga – Pinaniniwalaang mabubulok sa kulungan ang limang kalalakihan na nagtangkang dumukot sa mag-utol na Bumbay makaraang masakote ng mga tauhan ng pulisya sa Barangay Camachile, Mabalacat, Pampanga kamakalawa.

Kabilang sa mga suspek na sasampahan ng kaukulang kaso ay sina Armando Mondero, 36, ng Abangan Sur, Marilao, Bulacan; Edgardo Gardo, 48, Eddie Lamengo, 59 na kapwa residente ng Barangay Malabanias, Angeles City; Romulo Javier, 49, ng Barangay Anunas; at Abeto Luiqunari, 27, ng Barangay Balibago, Angeles City.

Nailigtas naman ang mag-utol na Francis Singh at Sanjo Singh na kapwa binata at pormal na nagbigay ng ulat sa pulisya para gawing ebidensya sa isasampang kaso sa mga suspek.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Ismael Rafanan, regional director, humihingi ng P.3 milyon ang mga suspek sa pamilya ng mag-utol, subalit naibaba ang halaga sa P.1 milyong ransom.

Ayon pa sa ulat, nagkasundo ang pamilya ng mag-utol at mga suspek na dadalhin ang malaking halaga sa isang sikat na fastfood chain sa Angeles City.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakipag-ugnayan sa mga awtoridad ang pamilya ng mga biktima hanggang ang isa sa mga suspek na si Edgardo Gardo ay masakote at maituro naman ang iba pang suspek. (Resty Salvador)

Show comments