Ambush: 2 pulis dedo

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Dalawang tauhan ng pulisya ang kumpirmadong napaslang habang apat pang iba ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army ang mg biktimang nakamotorsiklo sa bahagi ng Barangay Mayngaway sa bayan ng San Andres, Catanduanes kahapon ng umaga.

Kabilang sa napatay sa ambush sina P/Senior Insp. Alexander Diaz, hepe ng Police Provincial Mobile Group at PO1 Joselito Tubo.

Sugatan namang ginagamot sa Eastern Bicol Medical Center sina SPO1 Rodel Lavapie, PO2 Demetrio Panti, PO1 Michael Romero at PO1 Ernesto Sandino.

Ayon sa ulat na nakarating kay P/Chief Supt.Victor Boco Jr., provincial director, naganap ang pamamaslang dakong alas-10:30 ng umaga habang ang mga biktimang sakay ng ilang motorsiklo ay pabalik na sa kampo sa Virac.

Ayon sa ulat, ang mga biktima ay nagtungo sa nabanggit na barangay upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Rafael Villegas na akusado sa kasong frustrated murder, subalit hindi nadakip ang pakay na suspek at habang pabalik ay inakalang nakaposisyon na ang mga rebelde sa harap ng sementeryo para isagawa ang pananambang. (Ed Casulla at Angie dela Cruz)

Show comments