Dahil sa kakarampot na sahod…11 korte walang hukom

TAGBILARAN CITY, Bohol – Dahil sa paniniwalang kakarampot na sahod ang matatanggap ay aabot na sa labing-isang Municipal Circuit Trial Court sa lalawigan ng Bohol ang napaulat na walang mangahas na pumuwestong hukom na nagresulta sa pagkakabinbin ng mga kasong kriminal at civil.

Ito ang naunang isiniwalat ni Atty. Rodulfo Puagang, hepe ng record section ng MCTC sa nabanggit na lalawigan.

Ayon kay Atty. Puagang, walang mangahas na aplikante bilang hukom sa mga municipal court may ilang panahon na ang nakalipas.

Napag-alaman pa kay Atty. Puagang na ang pagiging bakante ng mga municipal court sa mahabang panahon ay dahil na rin sa kakarampot na sahod ang tatanggapin ng isang hukom kahit na nagkaroon ng adjustment sa kanilang salary scale.

Karamihang abogado sa nabanggit na lalawigan ay minabuting magtrabaho na lang sa Tagbilaran City kaysa madestino sa ibang bayan ng Bohol.

Kabilang sa mga korte na walang hukom ay ang munisipalidad ng Inabanga at Buenavista, Talibon-Jetafe, Ubay-Pres. Carlos P. Garcia, Alicia-Mabini, Candijay-Anda-Guindulman-Duero, Balilihan-Sevilla, Carmen-Batuan, Sierra Bullones-Pilar, Catigbian-San Isidro-Sagbayan at Trinidad-San Miguel-Bien Unido.

Ang Bohol ay sakop ng Region VII na may isang lungsod at 47 munisipalidad. (Peter Dejaresco)

Show comments