Idineklarang patay sa Amang Rodriguez Medical Center si Fernando Baylon, 30, drayber ng Isuzu motorcycle, samantalang namatay naman habang ginagamot sina Nestor Rido, drayber ng owner-type jeep, at John Kenneth Taroy, 12, isa sa mga estudyante.
Kasalukuyan pang inoobserbahan at ginagamot sina Theresa May Crisostome, 10; Earl Snider, 9; Ma. Angela Palmazan, 8; Donna May Bacayral, 11; Sarah Jane Garcia, 8; Abbygail De Villa, 7; Jovelyn Alcarce, 13; Mariah Rido, 8; Jennylyn Dianla, at Elvie Baldo 36, nanay ng isang estudyante na pawang mag-aaral ng Mayamot Elementary School.
Samantala, naaresto at pormal na kakasuhan ang drayber ng dumptruck na si Rolando Cerila, 41, ng Lakatan Street, Batasan Hills, Quezon City.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naitala ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa kahabaan ng Marcos Highway na sakop ng nabanggit na barangay.
Ayon sa pulisya, binabagtas ng owner-type jeep na gamit sa pagsundo sa mga estudyante ng nasabing eskwelahan ang pababang kalsada ng nabanggit na barangay habang nakasunod dito ang dumptruck.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nawalan ng preno ang nasabing truck at unang nabangga nito ang motorsiklong minamaneho ni Baylon na may plakang IA-1023.
Tumilapon si Balyon mula sa motorisklo matapos na matumbok ng killer truck at pagkatapos ay inararo naman ang nasabing owner- type jeep (DLM 510) na minamaneho ni Rido.
Mabilis naman rumesponde ang mga nakasaksi sa insidente at isa-isang dinala sa nasabing pagamutan ang mga biktima, subalit namatay din sina Rido at Taroy dahil sa tinamong grabeng pinsala sa katawan.
Pinag-aaralan ng mga awtoridad kung isasama sa sasampahan ng kaso ang may-ari ng truck (ugg 881).