COP na may kasong homicide, sumuko
June 4, 2006 | 12:00am
BATANGAS Sumuko kahapon sa kanyang superior ang isang police chief ng Tanauan City, Batangas matapos na kasuhan ng homicide, may 26-taon na ang nakalilipas, ayon sa ulat. Sinabi ni P/Senior Supt. Francisco Don Montenegro na sumuko si P/ Supt. Emmanuel Bautista, officer-in-charge sa himpilan ng pulisya matapos na magpalabas ng warrant of arrest si Judge Reynaldo Ros ng Manila Regional Trial Court, Branch 36. Sinubukang kunin ang panig ni Bautista, subalit tumanggi ito at sa halip ay nagsabing hintayin na lamang ang kanyang abogado. Pansamantalang ipinalit sa puwesto ni Bautista na ngayon ay nasa custody ng CIDG sa Camp Vicente Lim sa Laguna si P/Supt. Francisco Rodriguez. (Arnell Ozaeta)
CAMP CRAME Dalawa-katao kabilang na ang isang intel officer ng pulisya ang iniulat na napaslang sa naganap na karahasan sa Barangay Guadalupe sa bayan ng Esperanza, Agusan del Sur kamakalawa. Si PO3 Leonardo Villaflor Jr. na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Bayugan ay pinagbabaril ng isa sa mga rebeldeng New Peoples Army. Kahit may tama ng mga bala ng baril sa katawan ay nakipagbarilan pa sa mga rebelde si PO3 Villaflor na ikinasawi ng isang rebelde si Allan Surita. Ayon sa pulisya, nawawala ang baril at relos ng biktima matapos na iwanan ng mga rebeldeng kasamahan ni Surita. (Angie Dela Cruz)
CAVITE Hindi na umabot sa barangay hall para makipagkomprontasyon sa nakaalitang lalaki ang isang 43-anyos na magsasaka makaraang ratratin habang sakay ng motorsiklo sa bahagi ng Barangay Pantihan 4, sa bayan ng Maragondon, Cavite kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Justiano Malaluan, samantalang nakaligtas naman ang kaibigang si Randy Glorioso. Tugis ng pulisya ang suspek na si Danny Falcantan ng Barangay Garita A sa bayang nabanggit. Ayon kay PO1 Julio Riman, sakay ng motorsiklo at patungo na sana ang mga biktima sa barangay hall para magharap sa reklamong inihain ni Malaluan, subalit hinarang na ng suspek at pinaslang. (Lolit Yamsuan)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest