Gov. Sanchez inilipat ng ospital dahil sa mga bisita

BATANGAS CITY – Pinayuhan ng kanyang mga doctor si Batangas Governor Armand Sanchez na ilipat ng ibang ospital sa Manila mula sa Jesus of Nazareth Hospital sa nabanggit na lungsod dahil sa dumadagsa at hindi mapigilang dalaw ng mga bisita mula nang maospital ito dahil sa bigong pagpatay sa kanya noong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Atty. Ronaldo Geron, provincial administrator ng Batangas, inilipat nila si Governor Sanchez sa hindi pinangalanang ospital para maiwasang maimpeksyon ang mga sugat na tinamo nito dahil sa posibleng dalang bacteria ng mga dumadalaw sa kanya.

"He (Sanchez) is already prone to infection because of continous arrival of visitors and friends to the hospital," anang isang doktor ng gobernador na tumangging magpakilala.

Pahayag pa ni Geron, hindi na nilagyan ng bandages ang paso sa mukha ni Gov. Sanchez para mas mabilis gumaling, subalit kailangang sterile ang buong kapaligiran nito.

Siniguro naman ni Geron na nasa mabuting kalagayan si Gov. Sanchez sa kabila ng tinamong pinsala nito sa katawan.

"He is already walking around his room and you know naman his attitude, as much as possible gusto n’yang i-accommodate lahat ng bisita kahit pinagbawalan na ng mga doktor," paliwanag pa ni Geron

Ayon naman sa isang doktor na ayaw ipabanggit ang pangalan, tumataas ang bilang ng kanyang white blood cell count," that’s why he needs to be isolated."

Dagdag pa ng doktor na diabetic si Gov. Sanchez, kaya kailangan nitong i-monitor ang kanyang blood sugar level para sa agaran nitong paggaling.

Nanawagan din si Atty. Geron na iwasan muna ang pagdalaw sa nabanggit na gobernador para maiwasan ang paglala ng kanyang mga sugat at para makabalik na ito agad sa kapitolyo. (Arnell Ozaeta)

Show comments