Ito ang inihayag kahapon ni Deputy Director General Avelino Razon Jr., pinuno ng binuong Task Force Usig na naatasang mag-imbestiga ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno sa serye ng tumataas na bilang ng pamamaslang sa hanay ng mga lider at miyembro ng militanteng grupo sa bansa.
Sinabi ni Razon, PNP Directorate for Operations, na ang Region IV-B ay nakapagtala ng 28 kaso ng mga pinatay na lider militante o 23% simula noong 2001.
Ayon kay Razon sa nasabing bilang, 92 insidente o 76% ng mga pinatay ay mula sa Bayan Muna, 23 o 19% ay sa Anakpawis, dalawa sa Gabriela at apat naman sa iba pang grupo ng mga militanteng organisasyon.
Aabot sa 18 kasong kriminal ang naisampa sa korte habang 103 naman ang patuloy na isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
Kaugnay nito, iginiit naman ni AFP-PIO Chief Col. Tristan Kison na hindi dapat ibunton ng mga militanteng grupo ang sisi sa militar sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pinapatay sa hanay ng naturang organisasyon.
Binuweltahan rin ni Kison ang New Peoples Army (NPA) rebels na nasa likod ng pamamaslang sa mga lider ng militante, alinsunod sa binuhay na Oplan Ahos o ang pagtutumba sa mga hinihinalang espiya ng kilusang komunista.
Ang Oplan Ahos ay naging aktibo noong dekada 80 sa kasagsagan ng insureksyon sa bansa. (Joy Cantos)