Batay sa report ni PRO 7 Director Eduardo Gador, nakipag-ugnayan sa kanila ang Indonesian Police Liaison Officer na dumating sa Cebu City kamakalawa at nilinaw na hindi terorista ang dalawang nasakoteng dayuhan.
Ayon pa kay Gador ang bangkay ng isang lalaki na natagpuang hinihinala ng dalawang Indonesian national ay hindi isang Filipino tulad ng napaulat kundi isa ring Indonesian na kalahi ng mga suspek.
Ang mga suspek na sina Oscar Dalegi, 42-anyos ng Teling Atas Manado Sulut, Indonesia at Bernard Lebene, 49 ng JI Ankasa ay nasakote nitong Sabado matapos ang mga itong mahuli sa akto na hinihinalang pasakay sa isang behikulo ang bangkay ng isang lalaki.
Nakilala naman ang bangkay na si Johannes Taruk na unang kinilala nina Dalegi at Lebene na si Francisco Cañadan Vidal ng Tagum City, Davao del Sur.
Samantalang nabigo rin sina Dalegi at Lebene na makapagpakita sa mga awtoridad ng kanilang mga dokumento tulad ng mga visa na makapagpapatunay na legal ang pananatili nila sa Pilipinas.
Nabatid pa na ang dalawang Indonesian ay nasangkot sa seajacking ng TB Martha Dini ship at IK Santana tugboat. Ang mga ito ay umalis sa Sumatra noong Abril 13 at dinala ang nasabing mga sasakyang pandagat sa Pilipinas.
Lumilitaw pa sa pagsisiyasat na dapat ay nakaalis na ang mga ito sa bansa kung hindi sa pagkamatay ng kanilang kasamahang si Taruk. (Joy Cantos)