Katiwala tinodas ng kabaro
May 3, 2006 | 12:00am
CAVITE Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 24-anyos na katiwala sa farmhouse ng kanyang kabaro makaraang magtalo ang dalawa kahapon ng umaga sa Barangay Sungay East, Tagaytay City, Cavite. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Jun Blanca, samantalang arestado naman ang suspek na si Benjamin Quilao, 38, ng Barangay Balili, Tanauan City, Batangas at kasamahan sa trabaho ng biktima. Sa nakalap na impormasyon ni SPO3 Leonardo Mojica, pinagtalunan ng dalawa ang kanilang trabaho hanggang sa magkapikunan at nauwi sa madugong krimen. (Cristina Timbang)
CAMP CRAME Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang dinakma ng mga tauhan ng 74th Infantry Battalion ng Phil. Army sa isinagawang operasyon sa liblib na bahagi ng Barangay Ajos, Catanauan, Quezon, ayon sa ulat kahapon. Kinilala ang mga nasakoteng rebelde na sina Joel de la Rosa, alyas Joy; Ariel Danao, alyas Balol; at Alexis Uy, alyas Wacky na pawang kumikilos sa Bondoc Peninsula. Nabatid na ang tatlo ay kasama sa naganap na sagupaan noong Marso 2 sa Sitio Macabog sa Barangay White Cliff, San Narciso. Patuloy naman ang tactical interrogation sa tatlong rebelde. (Joy Cantos)
RIZAL, Nueva Ecija Pagtatalo sa isyu ng Labor Day ang naging dahilan kaya pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 62-anyos na magsasaka ng kanyang kabaro sa naganap na karahasan sa Barangay Macabsing sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija, kamakalawa ng hapon. Naisugod pa sa Bongabon District Hospital, subalit binawian ng buhay ang biktimang si Victoriano Riguer y Lucas, samantalang tugis ng pulisya ang suspek na si Rolando de Guzman. Napag-alamang magkasamang nag-iinuman ng alak ang dalawa nang magtalo tungkol sa isinasagawang kilos-protesta ng mga obrero sa Labor Day. Nairita ang suspek sa tinuran ng biktima hanggang sa mauwi sa pamamaslang. (Christian Ryan Sta. Ana)
PULILAN, Bulacan Tinatayang aabot sa P1-milyon ang natangay ng tatlong miyembro ng Acetylene Gang makaraang wasakin ang vault ng bangko sa Barangay Cutcut sa bayang nabanggit kamakalawa. Sa pagsisiyasat ni PO3 Gerry Navarro, natuklasan ang insidente bandang alas-7:30 ng gabi nitong Mayo 1 matapos pumasok sa Farmers Savings and Loan Bank ang guwardiyang si Rommel Salazar. Napag-alamang binutas ang pader ng banko na nakadikit sa isang commercial space na nirentahan ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki noong Abril 29 upang paglagyan ng mga muwebles. Narekober ng pulisya ng isang jackhammer, acetylene tank, mga crowbar sa loob ng banko na may butas patungo sa katabing commercial space. May teorya ang pulisya nagsimulang butasin ang pader noong Sabado ng gabi habang walang security guard na nakabantay. (Dino Balabo)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest