Sa nakalap na impormasyon mula kay Emmanuel Asuncion, spokesperson ng Workers Assistance Center, Inc. (WAC) na nakabase sa bayan ng Rosario, Cavite, malubhang nasugatan si Gerardo "Gerry" Cristobal nang tambangan ng mga armadong kalalakihang naka-bonnet sa coastal road, Barangay Anabu bandang alas-6:00 ng umaga.
Ayon kay Asuncion, kinilala ni Cristobal, ang gunman na si SPO1 Romeo Lara, isang miyembro ng intelligence unit ng Imus PNP.
Sa salaysay ni Cristobal, biglang hinarang ng grupo ni SPO1 Lara na lulan ng Honda Civic at paputukan ng baril hanggang sa tamaan ito sa hita na tumagos sa kanyang tiyan.
Bagamat sugatan, nakaganti naman ng putok si Cristobal laban kay SPO1 Lara hanggang sa tamaan ito sa kanyang ulo at balikat.
Samantala, taliwas naman sa ulat na ipinarating ni P/Supt. Rodel Sermonia, hepe ng Intel ng Cavite PNP sa mga mamamahayag na si SPO1 Lara, ang inambus ng grupo ni Cristobal.
Ayon kay Sermonia, binabagtas nina SPO1 Lara ang kahabaan ng Aguinaldo Highway papuntang Barangay Anabu para sa isang surveillance operation nang tambangan sila ng grupo ni Cristobal.
Pinagbabaril umano ni Cristobal sa likurang bahagi ng kotse si SPO1 Lara hanggang sa tamaan ito sa leeg.
Gumanti naman ng putok ang mga kasamahan ni Lara kung saan tinamaan naman sa tiyan at hita si Cristobal.
Kapwa nagpapagaling sa Pilar Hospital sa Imus sina Lara at Cristobal habang inihahanda ng pulisya ang kasong frustrated murder laban sa huli.
Si Cristobal ay lisensyadong may-ari ng baril na ipinagkaloob sa kanya dahil sa mga death threat na natatanggap bilang isang labor leader ng EMI-Yazaki. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)