Kinilala ni P/Chief Insp. Ernesto Gandia, ang mga biktima na sina Analyn Talbo, 25, at anak na dalawang taong gulang na si Charlie.
Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-4 ng madaling-araw hanggang alas-5 ng umaga matapos na rumesponde ang mga pamatay-sunog ay natupok na ang bahay ng pamilya Talbo.
Hindi naman nabatid ang kinaroroonan ng mister ni Analyn na si Richard matapos na sumiklab ang insidente.
Naniniwala si Gandia na may foul play sa kasong ito dahil ang bangkay ng mag-ina ay magkatabing nakahiga sa kama.
"Karaniwan na kapag may nakukulong ng apoy sa sunog ay ang gumawa ng paraan ang mga biktima na makalabas at hindi ang manatiling nakahiga sa kama," dagdag pa ni Gandia.
Ayon pa kay Gandia, posibleng patay na ang mag-ina ng maganap ang sunog dahil kung buhay pa ang mga ito ay tinangka na ng babae na tumalon sa bintana dahil mababa lamang at wala namang rehas.
Gayon pa man, may narekober rin lighter ang mga arson investigator sa may damuhan ilang metro ang layo mula sa nasunog na bahay.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang asawa ni Analyn upang isailalim sa imbestigasyon sa nangyaring pagkamatay ng kaniyang mag-ina sa sunog na pinaniniwalaang sinadya.