Dahil sa naglabasang balita na sibak sa kanyang puwesto ay nagpahayag ng sama ng loob si Gobernador Ayong Maliksi sa isang madamdaming misa at sa lingguhang flag-raising ceremonies kahapon sa kapitolyo ng Cavite na dinaluhan ng libu-libong Caviteño bilang pagsuporta.
Samantala, si Bise Gobernador Jonvic Remulla na noong nakaraang Lunes ay nagpalabas ng memorandum order na siya ang tumatayong governor ay wala sa naturang okasyon.
Sa mensahe ng gobernador, inisa-isa niya ang mga pangyayaring hindi na sana niya nais pang ungkatin, subalit hinihingi nang pagkakataon lalo pat ngayon ay sunud-sunod na paninira na ang ginagawa sa kanya ng mga kalaban sa politika.
Sinabi ni Ayong na walang buting idinudulot ang panggugulong ginagawa ng kanyang mga kalaban sa politika.
Samantala, buong pusong pinasalamatan ng gobernador ang mga taong walang sawang sumusuporta at nakikisama sa kaniyang pakikipaglaban at pakikibaka, kabilang na ang Barangay Health Workers Foundation, United Peoples Alliance of Cavite, Aksyon Galing sa Mamamayan, Pagsulong ng Lahing Pilipino, Barangay Community Alternative Leaders, Pinagsama-ka, Pinagsarong Bikolano sa Cavite, Pag-asa Youth Association, Asosasyon ng mga Ulirang Ina sa Cavite, Kabataang Liberal ng Pilipinas atbp.
Kaugnay nito, Sinabi naman ni DILG Asst. Sec. Bryan Yamsuan na agad na ipapatupad ng nasabing ahensya ang suspension order laban kay Maliksi sa oras na matanggap ang kopya ng utos mula sa Ombudsman.
Kumalat din ang balitang dalawa na ang gobernador sa Cavite dahil humalili si Vice Governor Jonvic Remulla sa pagkakasuspensyon ni Gov. Ayong.
Matatandaang kinasuhan ni Remulla si Ayong tungkol sa pagkakabili ng P7.5 milyon ng bigas noong July 2005 hanggang sa magpalabas ng kautusan si Deputy Ombudsman for Luzon Victor Fernandez na pinasususpinde ang nasabing gobernador. Inayunan din ng Court of Appeals ang suspension, subalit sa kasalukuyan ay wala pang malinaw na kautusan ang kinauukulan sa nabanggit na isyu. (Arnell Ozaeta, Angie dela Cruz at Cristina Timbang)