Ayon kay Atty. Florencio Binalay, hepe ng NBI na nakabase sa Nueva Vizcaya, unang nasabat ang isang ten wheeler truck (BCI 674) lulan ang 12,600 boardfeet na kahoy kabilang ang apat na katao, habang isa pang delivery van (CAZ189) lulan ang 1200 boardfeet kabilang naman ang dalawang katao.
Sa ulat ng NBI, ang unang truck na may kargang aabot sa 12,600 boardfeet na kahoy mula sa Naguillan, Isabela ay nag kakahalaga ng P260,000.00 na pag-aari ng isang nagngangalang Jose Carreon mula sa bayan ng Benito Soliven, Isabela.
Ayon naman kay NBI-Special Investigator Gerald Butale, ang pagkakasabat sa dalawang sasakyan ay dahil na rin sa tulong ng ilang residente na nagbigay ng kaukulang impormasyon matapos makalusot ang nasabing mga kahoy sa ilang checkpoint na pinaniniwalaang nagbigay ng malaking halaga.
Napag-alamang pinatungan ng mga sako ng ipa ng palay ang mga kahoy na nakalulan sa unang truck upang hindi mahalata sa mga checkpoint na pinagdaanan, subalit hindi nakaligtas sa mata ng NBI na nagbabantay sa kahabaan ng national higway sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Samantala ang ikalawang truck na nasabat dakong alas-10:30 ng umaga kahapon na may mga kargang Narra at iba pang uri ng kahoy ay napag-alamang galing naman sa Quirino, subalit tulad ng unang truck ay hindi nakaligtas sa isinagawang checkpoint ng mga elemento ng NBI matapos itimbre ng ilang asset.
Iginiit ni Binalay na bagamat may mga ipinapakitang papeles ang mga nadakip na suspek ay itutuloy pa rin nila ang pagsampa ng kaukulang kaso sa paniniwalang illegal pa rin ang mga ito batay sa total log ban na isinusulong ng gobyerno. (Victor Martin)