Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, Lipa City police chief, ang mga suspek na sina Mark Hue, 32, Tsinoy, ng #558 Teodora Mapua St. Sta Cruz, Manila; Elvis Areglo, 25, ng Barangay Pansol, Padre Garcia, Batangas; at Manuel Retorada, 35, ng #1235 Cristobal St. Sampaloc, Manila.
Sa imbestigasyon, bandang alas-4:00 ng hapon nang makatanggap ng tawag sa telepono ang pulisya mula sa opisyal ng homeowners association ng Sakura Village tungkol sa kahina-hinalang tatlong kalalakihang nagbubukas ng Elf truck (RCW-750) na nakaparada sa tapat ng bahay na inuupahan ng isang Hapones na si Hedime Nakayama sa #1861 Terada Avenue.
Mabilis namang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya sa pangunguna ni P/Senior Inspector Pedro Macaraig at naaresto ang mga suspek habang nagkakarga ng 16 na containers ng brownish liquid, tatlong kahon ng grayish liquid, isang bote ng hydrochloric acid,18 botelya ng sodium hydroxide, apat na tangke ng acetylene at tatlong malalaking mixers.
Ayon kay Quimio, nasabat ang mga kemikal habang sakay ng Elf closed van truck na minamaneho ni Elvis, samantalang minamaneho naman ni Mark ang isang Toyota Tamaraw FX (ZBY-939) na mistulang naging escort nito.
Agad na dinala sa Region 4 Crime Laboratory sa Camp Vicente Lim, Laguna ang mga kemikal at naging positibo sa isinagawang test na pawang sangkap ng shabu, ayon kay P/Supt. Ligaya Cabal, hepe ng Region 4-Crime Lab.
Mariin namang itinanggi ng mga suspek na may kinalaman sila sa nasabat na kemikal na kanilang kargamento.
"Napag-utusan lang kaming kunin ang mga kargamento pero di namin alam na gamit sa shabu yon," ani Mark Hue sa PSN
Pero inamin ni Mark na isang negosyanteng Tsinoy ang nag-utos sa kanila, subalit tumangging pangalanan.
"Hindi namin alam ang pangalan nya, basta kilala lang namin siya sa mukha," dagdag pa ni Mark.
Nilinaw naman ni Quimio na walang kinalaman ang Hapones na may-ari ng bahay dahil hindi naman ito naninirahan sa bansa.
"Maaring inupahan lang ng mga suspek ang kanyang bahay para gamiting storage ng mga kemikal," dagdag ni Quimio.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa.