CAVITE Dalawa-katao ang iniulat na pinagsasaksak hanggang sa mapatay sa naganap na namang karahasan sa bayan ng Bacoor, Cavite, kamakalawa. Kabilang sa pinaslang na mga biktima ay nakilala sina Sonny Talos, 33, ng Barangay San Nicolas, Bacoor; at Francisco Fuentes ng Barangay Palico 4, Imus, Cavite. Ayon sa ulat ng pulisya, si Talos ay sinaksak ng kanyang kainumang si Botsok Artella sa nabanggit na barangay, samantalang si Fuentes ay napagtripang pagsasaksakin ng mga senglot na sina Fenis Domingo, Andrew Cayanan at Sherwin La Union sa bahagi ng barangay Palico na agad namang nadakip ng pulisya sa isinagawang follow-up operation at pormal na sinampahan ng kaukulang kaso.
(Cristina Timbang) Negosyanteng tulak nasakote |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang 45-anyos na negosyanteng tulak ng bawal na gamot ang bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng umaga sa bahagi ng Barangay Victory Village, Legazpi City. Ang suspek na nakumpiskahan ng ilang gramo ng shabu at pormal na kinasuhan ay nakilalang si Donald "Katoy" Vargas ng Barangay Sabang ng naturang lungsod. Sa ulat ni P/Senior Insp. Nelson Llaneta kay P/Senior Supt. Benito Estipona, hepe ng CIDG sa Bicol, isinagawa ang buy-bust operation matapos na makatanggap ng impormasyon si P/Insp. Cesar Dalonos na patuloy na nagtutulak ng droga ang suspek. Napag-alamang sinira pa ng suspek ang SIM card ng kanyang celfone para hindi matukoy ang ilang koneksyon sa sindikato.
(Ed Casulla) Beautician tinodas ng lover |
MAUBAN, Quezon Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 38-anyos na beautician na pinaniniwalaang bading ng hindi kilalang tinedyer na pinaniniwalaang kanyang lover kamakalawa sa Barangay Rizaliana, Mauban. Quezon. Natagpuan ni Cristina Lorenzo ang bangkay ng biktimang si Noel Reyes na duguang nakabulagta sa loob ng parlor dakong alas-6 ng umaga. Ayon kay PO3 Basilio Villabroza, huling namataang buhay ang biktima ganap na alas-10 ng gabi na may kasamang hindi kilalang tinedyer na lalaki at kumakain sa isang restaurant bago pumasok ng nasabing parlor na pag-aari ni Lorenzo. Natagpuan ang duguang gunting sa gilid ng bangkay ng biktima, habang nawawala naman ang celfone nito. May teorya ang pulisya na may hinihingi ang suspek kung saan tinanggihan ng biktima.
(Tony Sandoval) Nagpahayag ng kagalakan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bamban, Tarlac sa pagpapatayo ng murang pabahay sa 27.5 ektaryang lupain na proyekto ng Macro Properties, Inc. na pagmamay-ari ng Real Bank. Nagpapasalamat ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na pinangunahan nina Bamban Mayor Florante Cojuangco at Vice Mayor Godofredo Lomboy, ang alok ni Carol Ros, pangulo ng MPI na magkaroon ng low cost housing project na tinawag na Pueblo Real sa Clark Economic Special Zone at sa North Luzon Expressway."Makatutulong ng malaki sa mga residente ng Barangay Anupul sa bayan ng Bamban sa nasabing proyekto partikular na ang pagpapatayo ng malaking department store na posibleng umabot sa 3,000 pamilya ang makinabang sa Pueblo Real na may sapat na pasilidad.
(Doris Franche)