CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang 37-anyos na dating rebeldeng New Peoples Army ( NPA ) na pinaniniwalaang naging asset ng militar ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang mga naging kasamahan sa maka-Kaliwang grupo sa naganap na karahasan sa Barangay Tagpo, Ligao City, kamakalawa ng hapon. Labing-apat na bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Andy Sanone, 37, isang rebelde returnee, fish vendor at residente ng Barangay Ranao-Ranao ng naturang lungsod. Napag-alamang bago mapatay ang biktima ay nakatatanggap na ng pagbabanta sa kanyang buhay mula sa mga dating kasamahang rebelde sa paniniwalang ginagamit ng militar laban sa NPA rebs, subalit patuloy nitong binabalewala hanggang sa makalawit ni kamatayan.
(Ed Casulla) Drayber tinodas ng nakaalitan |
MARIVELES, Bataan Binaril at napatay ang isang 40-anyos na trike drayber ng kanyang nakaalitang miyembro ng Mariveles Public Safety Office sa Sitio Baclain, Barangay Malaya sa bayang nabanggit, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang dibdib na si Leo Pontanilla y Garcillan, tubong Ilocos Sur at kasalukuyang nakatira sa naturang barangay. Samantala, tugis ng pulisya ang suspek na si Alex Yandan, 30, kasapi ng Mariveles Public Safety Office at nakatira din sa nasabing barangay. Ayon sa pulisya, walang anumang sinabi ang suspek sa biktima at agad na pinaputukan ng baril sa katawan. Nagawa pang makatakbo ng biktima sa bahay ng kanyang bayaw, subalit ilang minuto ang nakalipas ay binawian na ito ng buhay.
(Jonie Capalaran) Mister ginilitan sa leeg, patay |
TAGKAWAYAN, Quezon Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 50-anyos na miyembro ng Guardians Brotherhood matapos na pagbabarilin ay ginilitan pa sa leeg ng tatlong kalalakihan habang ang biktima ay naglalakad sa bahagi ng Barangay San Isidro ng bayang nabanggit, kamakalawa ng gabi. Patay agad sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Rangel Visos Jr., samantalang tumakas naman ang mga suspek at isa pa lamang ang nakikilala ng pulisya na si Michael Tolentino. Sa imbestigasyon ni SPO2 Wilfredo Castillo, dakong alas -7:00 ng gabi nang mamataang naglalakad mag-isa ang biktima bago hinarang ng tatlong suspek. Napag-alamang nakabulagta na ang biktima dahil sa mga tama ng bala ng baril ay nilapitan pa ng mga suspek at ginilitan ng leeg. May posibilidad na matindi ang galit ng mga suspek laban sa biktima.
(Tony Sandoval)