Trak vs bahay: 6 sugatan
February 15, 2006 | 12:00am
CAVITE Anim-katao ang iniulat na nasugatan makaraang salpukin ng trak ang anim na bahay sa Barangay Tabon, Kawit, Cavite kamakalawa ng hapon. Ginagamot ngayon sa Kalayaan Hospital ang mga biktimang sina Roberto Sambili, Joel Sambili, Lorenzo Sambili, Rolando delos Santos, Yolanda Pasacasio at ang dalawang ginulpi ng taumbayan na sina Francis Santiago, 32, drayber ng trak (UCX-995), ng Barangay San Gabriel, Sta. Maria, Bulacan at Sonny Inocente, 42, ng Barangay Senturisan, San Nicolas, Batangas. Ayon kay SPO3 Ramon Legaspi, nawasak din ang isang traysikel (DY-225) ni Lamberto Sambili. Napag-alamang nawalan ng kontrol ang drayber ng trak kaya nagtuluy-tuloy sa anim na kabahayan at pinagtulungan gulpihin ng taumbayan sina Santiago at Inocente. (Cristina Timbang)
GENERAL TINIO, Nueva Ecija Apat na kalalakihan ang bumagsak sa kalaboso makaraang maaktuhang nagnanakaw ng kambing na pag-aari ng isang 62-anyos na trader sa Barangay San Pedro ng bayang nabanggit, kamakalawa ng hapon. Pormal namang kinasuhan ang mga suspek na sina Dennis Santiago ng Barangay Magsaysay Norte; Michael Bautista, Emilio Gognan at Roderick Vicente, na pawang residente ng Barangay Bantug, Cabanatuan City. Ayon sa ulat, namataan ng biktimang trader na si Florencio Abes, na bitbit ang kanyang alagang mga kambing, kaya agad nitong ipinagbigay-alam sa pulisya hanggang sa masakote ang mga suspek na sakay ng traysikel. (Christian Ryan Sta. Ana)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 73-anyos na barangay kagawad ng mga hindi kilalang lalaki makaraang pasukin ang bahay ng biktima sa Barangay Cotmon sa bayan ng Camalig, Albay, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Nena Naje, kagawad ng nabanggit na barangay. Base sa ulat ng pulisya, ganap na alas-9:30 ng gabi nang pasukin ang bahay habang naghahandang matulog ang biktima. Hindi naman agad nalaman ng pulisya ang motibo ng pamamaslang. (Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest