Kapwa tumangging magpalabas ng statement sa mga mamamahayag ang pamunuan ng SBMA partikular ang Ecology Department at Seaport Department kaugnay sa insidente na sumakop sa malaking bahagi ng Subic Bay waters.
Ayon kay Public Relations Office (PRO) Manager Armina C. Llamas, wala silang natatanggap na direktiba mula sa mga opisyal ng SBMA na magpalabas ng pahayag ukol sa nangyaring oil spill.
Napag-alaman na maging ang mga opisyal ng port operations ng Seaport Department ang nagsabi sa PSN na binawalan silang magbigay ng detalye lalo nat sa mga mamamahayag kaugnay sa anumang uri ng insidente sa SBMA partikular na ang oil spill.
Matatandaan na naganap ang pagtagas ng may daang toneladang kemikal sa karagatang sakop ng Subic Bay noong Biyernes dakong alas-11:30 ng gabi matapos aksidenteng umapaw ang tangke ng barkong M/V Kyle, isang foreign cargo vessel habang ito ay pinupuno ng langis ng Philippine Coastal (Petroleum) Storage and Pipeline Inc.
Sa kasalukuyan ay nakaalis na ang naturang barko sa bansa at walang linaw kung nabigyan ng kaukulang parusa ng SBMA, kaugnay sa oil spill dahil sa kapabayaan ng mga crew ng barko at ng kumpanyang Coastal Petroleum. (Jeff Tombado)