Truck salpok sa motorsiklo, driver patay

CAVITE Agad na namatay ang isang driver matapos na salpukin ng Isuzu truck ang sinasakyang motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Barangay Biga, Silang Cavite.

Sa ulat ni P/Supt. Nestor Pastoral, kinilala ang biktima na si Daniel Espino, 20, may-asawa at residente ng Barangay San Miguel 1 naturang bayan habang agad namang naaresto ang suspek na si Allan Galvez, 31, may-asawa, driver at residente ng San Juan Ildefonso, Bulacan.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Sozimo Casabal, naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-raw habang binabaybay ng biktima ang nasabing kalsada sakay ng kanyang Kymco Motorcycle na may plate no. WE-9372.

Bigla na lamang itong tinumbok ng rumaragasang Isuzu truck na may plate no. WGR 184 na minamaneho ng suspek patungong Tagaytay na siyang naging dahilan upang mawarak ang motorsiklo at tumilapon ang biktima at magtamo ng mga maseselang sugat at pilay sa katawan ganoon din ang pagkabagok ng ulo nito sa semento at naging sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima. (Cristina Timbang)

Show comments