Trader dedo sa magnanakaw

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang 54-anyos na negosyanteng mister ang kumpirmadong nasawi matapos pagbabarilin ng mga armadong magnanakaw na pumasok sa loob ng kanyang bahay sa Sitio Mojon, Barangay Mabini sa bayan ng San Pascual, Masbate, kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Romulo Maragano, 54, matapos na upakan dahil sa nanlaban sa mga magnanakaw. Napag-alamang naghahapunan ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa sariling bahay nang pumasok ang mga magnanakaw. Wala namang nagawa ang kasambahay ng biktima habang naghahalughog sa loob ng kanilang bahay ang mga armadong kalalakihan. Bago tumakas ay tinangay pa ang P13,000 na nakatago sa kuwarto ng mag-asawang Maragano. (Ed Casulla)
Agawan ng baril, 1 patay
BULACAN – Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang 40-anyos na mister matapos na tamaan ng ligaw na bala ng baril sa naganap na awayan ng isang pulis at civilian agent ng CIDG sa bahagi ng Brgy. Poblacion sa bayan ng Hagonoy, Bulacan, kahapon ng madaling-araw. Binawian ng buhay habang ginagamot sa Dr. Jose Reyes Memorial Hospital ang biktimang si Fernando Cruz, samantalang kalaboso naman sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek na sina PO2 Richard Tan, 35, ng Sitio Hulo, Brgy. San Agustin at Enrico Castro, 40, ng Purok 2, Brgy. San Miguel, Hagonoy, Bulacan. Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Ponciano dela Cruz, nagpambuno at nagkaagawan ng baril sina Tan at Castro matapos na magkasalubong sa nabanggit na barangay. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay pumutok ang baril na pinag-aagawan ng dalawa at tumama sa biktimang naglalakad. (Efren Alcantara)

Show comments