Sa inisyal na imbestigasyong isinumite kay P/Chief Insp. Luisito Magnaye, tatlong kalalakihan ang sumakay sa nasabing bus (CWF-925) sa harapan ng simbahan ng St. John sa Barangay Bonifacio sa bayan ng Dinalupihan, Bataan.
Napag-alamang pagsapit sa Barangay Layac, tinutukan ng baril ang drayber ng bus na si Cecilio Alvarez at ipinag-utos na dalhin ang sasakyan sa bahagi ng 4 lane Road sa Balanga City hanggang sa magdeklara ng holdap ang tatlong kalalakihan.
Ayon pa sa ulat , tinangay ng mga holdaper ang P1,300 koleksyon ng konduktor at personal na gamit ng may 50 pasahero na patungo sa Pasay City.
Nabatid na isa sa mga holdaper ay nakilalang si Rodrigo "Digoy" Magcayang ng Barangay Layac, samantalang hindi pa nakikilala ang dalawang kasamahan nito.
Sa rekord ng pulisya, hinoldap din ang aircon bus ng Saulog Transit patungong Cavite mula sa Olongapo City noong Nobyembre matapos dalhin ang sasakyan sa bahagi ng Barangay Tuyo kung saan nalimas ang P40,000, ibat ibang celfone at alahas ng mga biktima.
Noong Disyembre 16, 2005, isa rin pampasaherong aircon bus ng Victory Liner ang napaulat na hinoldap ng limang armadong kalalakihan sa Barangay Saguing sa bayan ng Dinalupihan, Bataan kung saan isang Briton ang malubha at anim naman ang sugatan. (Jonie Capalaran)