Wanted na kriminal tinodas ng mag-utol

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City — Pinagtulungang tagain hanggang sa mapatay ng mag-utol ang isang mister na pinaniniwalaang most wanted habang ang biktima ay naglalakad papauwi sa Barangay San Roque sa bayan ng Jovellar, Albay kamakalawa ng hapon.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang biktimang si Raul Lomangaya na itinuturing na most wanted person sa bayan ng Jovellar at residente ng naturang barangay.

Samantala, tumakas naman ang mag-utol na suspek na sina Jose dela Torre at Sandy dela Torre.

Sa ulat ng pulisya, isinagawa ang krimen dakong alas-2 ng hapon matapos na masalubong ng mag-utol ang biktimang naglalakad mag-isa.

Napag-alamang may nakabinbing kasong kidnapping with murder sa Legazpi Regional Trial Court Branch 6, ang nasawing biktima.

Malaki ang paniniwala ng pulisya na paghihiganti ang pangunahing motibo ng krimen dahil sa pagkakapatay ng biktima laban sa utol ng mga suspek may ilang taon na ang nakalipas. (Ed Casulla)

Show comments