Mister dedo sa rambol

BULACAN – Pinaniniwalaang alitan sa lupa kaya napatay sa saksak ang isang 43-anyos na mister makaraang magrambulan ang apat na kalalakihang magkakamag-anak sa Barangay Sumapang Matanda sa bayan ng Pandi, Bulacan kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Clemente Brigino, samantalang nagsitakas naman ang mga suspek na sina Pedro de Castro, 53; Renato Legaspi at Angelito de Castro na pawang naninirahan sa nabanggit na barangay. Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Alejo Santos sa Malolos City, naitala ang insidente dakong alas-3 ng hapon matapos na mag-usap ang biktima at tatlo nitong kaanak tungkol sa lupain na pinaniniwalaang pinag-aagawan. Napag-alamang humantong sa hindi inaasahang pangyayari kaya pinagtulungang gulpihin at pagsasaksakin ang biktima hanggang sa mapatay ng tatlo nitong kaanak. (Efren Alcantara)

Show comments