Caretaker sa farm dinedo ng mag-utol

CAVITE – Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na caretaker ng farm ng mag-utol na lalaki sa Barangay Salinas sa bayan ng Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi.

Nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang nasawing biktimang si Ronald Asuncion, may-asawa at caretaker ng CBI farm, samantalang tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Efren, 42, at Noel Delfin, 46, ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na pagsisiyasat na ipinalabas ni SPO2 Dante Chan Ordoño, ganap na alas-10 ng gabi nang maitala ang krimen habang nakikipag-usap ang biktima sa magkapatid na suspek.

Napag-alamang humantong sa sigawan ang pagtatalo ng biktima at mag-utol hanggang sa pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang lalaki.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mag-utol at agad na tumakas matapos na mamataang bumulagta ang biktima. (Cristina Timbang)

Show comments